"Stainless"

Kagabi nag-inom kami ng gin o mas kilala sa tawag na "bilog" o "stainless." Parang gusto ko ng umayaw kasi natakot ako dahil matagal tagal na panahon na din di nasasayaran ng "stainless" ang lalamunan ko. Gusto ko sanang umayaw kaso di ko alam kung bakit ako napapayag. Marahil ay sa kagustuhan ko na din itong matikman.


Sa tutuusin madami grupo sa akin ang nagyakag kagabi na mag-inom.  Nayakag ang aking mga kamag-aral nung sekundarya kauuwi lang nung iba galing pa ng Maynila. Sa tindahan pa nga sila bumili ng serbesa at pilit na ako'y pinapapasilip sa munting kasiyahan.Makaulayaw man lang daw paminsan minsan. Nayakag din ang  dapat kasama ko ngayon sa Makiling na may bitbit na Gran Matador. Ngunit bakit ba ako ay nagtiis sa simpleng "stainless" lang. Kung tutuusin maari ako sumama sa alin mang grupo ngunit pinili ko pa rin makasama ang kasama ko ngayon. Pinili ko kasi gusto ko siya makasama. Pinili ko kasi makikita ko siya. Pinili ko kasi makakausap ko siya.


Nilagyan lang ng kalamansi, ayun enjoy na ang tropa. Swabe daw. Sa unang pagdating ng tagay sa akin, alumpihit pa ako nung inabot ang baso. Pinagmasdan ko muna ang likidong laman nito. Medyo kulabo dahilan nga ng ekstrakto ng kalamansi. Pagdampi ng labi ng baso ay nasinghap ko ang matapang na amoy ng alak. Sa paglapat ng dila ko sa likido ang una kong nalasahan ay mapait bago rumehistro ang asim na dulot ng kalamansi. Sa paglunok ko ay gumuhit sa lalamunan ko ang init.


Naisip ko at naihalintulad tuloy ang ugnayan ko sa aking itinatangi sa aking tinatagay na alak. Medyo kulabo o malabo nga ang ugnayan namin sa ngayon at maiihalintulad mo ang mga ekstrakto ng kalamansi na nagpapalabo sa mga mapaghusgang pag-iisip ng mga tao. At ang matapang na amoy ng alak ay ang aking pagmamahal sa kanya, katulad ng isang halimuyak di nakikita pero alam nating asa paligid lamang. Di ko na kailangan ipakita na mahal ko siya, dahil batid niya na mahal ko pa rin siya kahit na hindi sa matatamis na paraan na kinasanayan. At ang pait ng alak ay ang pait na nadarama ko na dulot ng nagyayari sa amin. Pait na di sanhi niya kundi pait na sanhi ng mga makikitid na pananaw ng mga tao. At ang asim na kalamansi ay ang mga simpleng bagay na ginagawa niya na kahit paano ay naiibsan ang pait na nadarama ko.  At ang init na gumuguhit sa lalamunan ko pag tinagay na ang alak ay mitsulang ang pagmamahal niya na bumabalot na init sa katawan ko.


Di namin Inakaala na makaka-dalawang bote kami nun at lalabas pa para ituloy ang kasiyahan. "Talab" na nga daw wika ng isa. Nagkasiyahan pa at nakainom pa sa isang lokal na klab. Nagkainuman pa ng tig-dadalawang bote ng serbesa, sayawan at "kodakan." Sa daan pauwi me "asim" akong naramadaman mula sa kanya. Sa munting bagay na ginawa mo salamat at naibsan ng konti ang pait.


Nakakatuwa. Asta sa isang tagay ng "stainless" nakita ko ang sitwasyon ngayon.
Weirdo talaga ako. HAHAHA.

16j3n6o

Comments